Kung sensura ang sandata, konserbatismo ang mga bala nito.
Sa mga kontekstong mayroong malinaw at makapangyarihang maka-Kanan, malaki ang lamang ng konserbatismo sa liberalismo at demokrasya. Malinaw ang linya na naghahati sa mga usapin, at polarisado halos lahat ng diskurso. Ngunit sa mga bansang katulad ng Pilipinas, kung saan ang sosyo-politikal ay hindi maaaring basta lamang mahati sa Kaliwa’t Kanan, maraming usapin ang higit na pinasasalimuot ng mga alitan ng iba’t ibang panig. Ang ilan ay batay sa magkakaibang ideolohiya; ang iba ay base sa mga mas mabababaw na dahilan.
Kabilang sa mga usaping ito ang sensura sa sining at kultura. Sa watak-watak na kontekstong sosyo-politikal katulad ng sa Pilipinas, nahaharap sa banta ng panunupil ang mga gawaing pansining at mga malikhaing paggawa, maaaring sa pamamagitan ng tahasang pagsesensura o sa mas tusong pagpapatahimik. Sa espasyong ito, higit itong komplikado: iba-iba ang mukha ng may-pakana ng sensura, at iba-iba rin ang kanilang inaasinta.
Pinalalala ang sitwasyon ng katotohanang hindi ito madalas pinag-uusapan, tinatalakay, at sinusuri. Hindi na rin ito nakakagulat: hirap tayong harapin ang mga komplikadong usapin dahil ang mga ito ay higit na kailangan. Ngunit sa ating pagtanggi sa ganitong mga usapin nasusupil ang mga talakayang mahalaga at makabuluhan ukol sa sensura, sa sining man o sa ibang sektor.
Marahil maaaring ituring ang maikling tanaw na ito bilang pagharap sa usaping sensura na madalas nating iwasan.
Maniobra ng Martial Law
Bagama’t may pag-iwas tayo sa mga komplikadong usaping bumabalot sa sensura ng sining at kultura, hindi nangangahulugang hindi natin it pinag-uusapan. Bagkus, limitado ang ating pagtalakay rito sa isang panahon sa kasaysayan kung kailan ginamit ito nang sukdulan bilang sandata.
Ang pagkakataong ito ay ang Batas Militar na ipinatupad ni Ferdinand Marcos Sr. noong 1972.¹ Inutos niyang ipasara lahat ng pasilidad ng telebisyon, pelikula, at radyo na pag-aaring pribado noong Setyembre 22; noong Oktubre 28² naman ay inutos niya ang pagpapakulong sa sinumang gumagawa, naglilimbag, nagmamay-ari, o namamahagi ng isinulat o iginuhit na materyal na maaaring mag-udyok sa taumbayan na sumalungat sa pamahalaan.
Patunay ito na yumabong ang diktadurya sa panunupil ng mga karapatan at kalayaang pansining. Malinaw rin na bagamat ang dalawang utos na ito ay tungkol sa pagkokontrol ng kritisismo at propagandang laban sa pamahalaan, ang sandigan nito ay ang paniniwalang ang taumbayan ay salat na salat sa kaalaman at talino, na madali silang maaakit at madadala sa anumang politikal na direksiyon, at mauudyok na sumali sa rebelyon.
Simula nang mapatalsik ng People Power Revolution noong 1986 si Marcos Sr. at ang kanyang pamilya, itinuring na ang Batas Militar bilang pinakamasahol na panahon ng panunupil-sining. Ngunit may kaakibat itong mga komplikadong usapin na sa pangkalahatan ay iniiwasan ng sektor ng sining. Halimbawa, sa totoo, sa kabila ng institusyonal na sensura noong Martial Law, nabigyang-buhay sa panahong ito ang ilang mahahalaga’t kinikilalang likha sa iba’t ibang sining. Sa panahong ito rin itinayo ang mga kultural na institusyon na mahalaga pa rin sa kasalukuyan. May kakulangan rin ng pagsusuri ng sining at kultura sa loob ng anim na pangulong nagdaan mula 1986—para bang hindi karapat-dapat pagusapan ang sining kung hindi nasusupil.
Sa kabila nito, kasinungalingan ang sabihing walang humahadlang sa kalayaan ng mga manlilikha at kultural na manggagawa simula nang mapatalsik ang pamilya Marcos. Kasinungalingan ding sabihin na dahil hindi kabilang sa polisiya ng anumang pamahalaan matapos ni Marcos ang pagsesensura ay hindi na ito nangyayari. Kung tutuusin, sa pag-aaral pa nga ng sensura matapos ang 1986 lilitaw kung gaano ito kadalas ginagamit bilang sandata. Makikita rin kung paanong ang katwirang ginagamit para depensahan ang sensura ay tungkol pa rin sa kakayahan ng publikong umintindi at mahinuha ang mga paksa ng sining at produktong kultural.
Noong Enero 1986, isang di-pinangalanang mamamahayag na Pilipino ang sinipi ng Los Angeles Times: “Tinatrato kami ng mga taga-sensura na parang mga bata. Hindi kami yayabong sa ganoong paraan—pero baka ayaw nila kaming yumabong” […para patuloy] “naming isipin na kami’y mga alipin.”³
Noong Oktubre 5 1985, binuo ni Marcos ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB)⁴ bilang ahensya na magdedesisyon kung ang isang pelikula o palabas sa telebisyon ay maaaring ipalabas base sa tinatawag nitong pamantayan ng “contemporary Filipino cultural values.” Hanggang ngayon, nananatili ang opisinang ito bilang tagahatol, tagapagregula, tagapagtukoy, at tagapagpasya kung ang isang palabas o pelikula ay maaaring ipalabas sa TV at sinehan. Noong 2020, sa kasagsagan ng pandemya ng Covid-19, sinubukan din ng MTRCB na ipasailalim rito ang ilang online streaming services tulad ng Netflix, upang masiguro na ito’y sumusunod sa “Filipino contemporary values.”⁵
Demokrasya at konserbatismo
Paniniwala ng bagong-halal na demokratikong pamahalaan ni Pangulong Cory Aquino noong 1986 na “hindi priyoridad ang kultura.”⁶ Gayunman, hindi ito nangahulugang naging malaya sa sensura ang sining. Sa halip, ginawa nitong pamantayan ang partikular na paniniwalang konserbatismo-Katoliko na nagdikta kung aling mga produktong kultural ang “makabubuti” para sa manonood, lalo’t higit sa masa na kumukonsumo sa kultura.
Mahalagang banggitin na si Aquino mismo, bilang presidente at ikon, ay ehemplo ng konserbatismong ito. Isa siyang debotong Katoliko na umangat sa tulong ng Simbahang Katoliko at sa ikonograpiya ng mga banal na estatwa ng Simbahan. Sa panahon ni Aquino naging malinaw na hadlang sa kalayaang pansining ang pagkakaroon ng ganitong uri ng konserbatismo sa pamamahala. Ang mismong pagpapatuloy ni Aquino ng MTRCB, bagamat produkto ito ng diktadurya ni Marcos, ay senyales rin ng kanyang paniniwala hindi lang sa sensura, kungdi sa konserbatismo na nagdidikta kung alin ang puwede at hindi puwedeng ipapanood sa publiko. Kung ang sensura ay nagpapakita ng kawalang-tiwala sa abilidad ng masang tukuyin ang kahusayan ng isang gawang sining, ipinagpatuloy ni Aquino (at ng Simbahan) na panghawakan ang paniniwalang ito.
Ngunit ang kawalan ng tiwala sa publikong kumukonsumo ng kultura ay magkaiba sa pamumuno nina Marcos Sr. at Aquino. Sa nauna, ang sensura ay bahagi ng Batas Militar at may partikular na tuon sa paninigurong walang produktong kultural ang “mag-uudyok ng subersiyon, insureksiyon, rebelyon, o sedisyon laban sa Estado, o magbabanta laban sa ekonomiko at/o politikal na kaayusan ng Estado.” Kaiba ito kay Aquino na namuno mula 1986 hanggang 1992. Sa panahong ito lumutang ang pamamahalang bagamat may malinaw na paninindigan laban sa sensura ng sining, ay naglagay naman sa MTRCB ng mga mga punong sensura na walang kaabog-abog na naggiit na “Ang sex [sa pelikula] ay nakasasama sa masa. Kung ang isang tao ay mahirap at siya’y nalilibugan, malamang siya ay mang-rape.”⁷ Ang ganitong pag-iisip ang nagtulak sa pagbabawal ng mga pelikulang katulad ng Clockwork Orange (1971) at Schindler’s List (1993).
Ang ganitong pangangatwiran, na base sa “moralidad ng kulturang Pilipino” ay nakatali sa dominanteng paniniwalang ang Pilipinas ay isang Katolikong—at konserbatibong—bansa. Nilalagay nito ang kultura’t sining sa panganib na usigin sa ngalan ng moralidad at base sa dikta ng relihiyon at mga relihiyoso. Mula noong panahon ni Aquino, nakasanayan ng mga pangulo ang paghihigpit sa likhang sining na itinuturing na “nakakabastos, nakakasakit, o nakakagalit” batay sa napaka-subhektibong pag-unawa ng moralidad.
Interesante kung papaanong nagpatuloy ito sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang presidenteng kritikal sa Simbahang Katoliko, na sadyang nagsawalang-bahala sa mga konserbatismong panuntunan. Nagbibiro siya tungkol sa rape, mababa ang pagtingin sa kababaihan, at paulit-ulit na nagbantang papatay ng karaniwang mamamayan—patunay ng pagtalikod niya sa pamumunong nakatali sa mga turo ng Katolisismo. Ngunit bagamat mukhang hindi konserbatibo si Duterte, sa kalauna’y lumitaw rin na iba lang ang konserbatismong pinaniniwalaan niya. Nagtaguyod si Duterte ng konserbatismong nakatali sa kanyang paninindigan laban sa mga ligal na organisasyong militante’t maka-Kaliwa. Sa pamumuno ni Duterte humarap ang mga aktibista sa iba’t ibang uri ng pang-uusig ng Estado, mula sa red-tagging hanggang sa malawakang pang-aaresto at pamamaslang.
Gumamit din ang pamahalaang Duterte ng estratehiyang⁸ pampropaganda na nakaangkla sa “proteksiyon” ng kabataan mula sa mga aktibista. Lumutang ang konserbatismo sa paggigiit na ang kabataan—mga mag-aaral sa kolehiyo na mga nasa hustong gulang na—ay walang kakayahang magdesisyon para sa kanilang mga sarili. Sa ganitong pagsipat, ang kabataan ay laging “biktima” ng maka-Kaliwang (i.e., Marxista) ideolohiya, na “nabitag” ng mga organisasyong ginagawa silang mga “rebelde.”
Noong 2018, 18 paaralan ang binansagang “recruitment ground” para sa mga organisasyong maka-Kaliwa, at kakambal nito ang bintang na ang kultura—mga pelikula⁹ at aklat¹⁰—ang ginagamit sa kanilang pagre-rekrut ng kasapi. Ito ang naging rason ng paghihigpit sa mga pelikulang itinuring na “maka-Kaliwa” tulad ng Liway ni Kip Oebanda, at mga libro mula sa mga organisasyong maka-Kaliwa o mga manunulat na binansagang maka-Kaliwa. Marami ring manggagawang kultural at manlilikhang maka-Kaliwa ang ikinulong, tulad ng ilang miyembro ng kolektibo na Panday Sining.¹¹
Sa isang banda, ang basehan ng ganitong sensura ni Duterte ay katulad ng kay Marcos Sr: nakatuon ito sa laban kontra-subersiyon at sa takot na mauudyok ang publiko na sumapi sa rebelyon dahil sa sining. Sa kabilang banda, sa lahat ng panguluhan matapos ni Marcos Sr., konserbatismo ang karaniwang tugon sa mga produktong kultural na binabansagang imoral at di-nararapat ipakita sa madlang manonood.
Ibig sabihin, sa espasyong ito, mahigit tatlumpung dekada nang minamaliit ang kakayahan ng publikong umunawa at umintindi ng sining at kultura. Ito ang nagbibigay-katwiran sa kagustuhan ng Estado na kontrolin ang sining na tinatangkilik ng masa, at harangin ang anumang pagkamalikhaing itinuturing na “mapanganib” para sa taumbayan. Ginawa ito ng ating mga gobyerno, mula Aquino hanggang Duterte. At ginawa ito habang lagi’t-laging binabanggit na walang sensura sa bansa, dahil tayo’y nasa isang demokrasya, at malinaw na nakasaad sa Saligang Batas na “walang batas ang maaaring ipatupad na susupil sa kalayaang magpahayag.”
Ilang tanaw sa sensurang sining
Sa ganitong konteksto, hindi nakapagtataka ang pagsesensura ng sining at kultura nitong mga nakaraang dekada. Bunga ito ng tatlong dekada ng demokrasya na walang sensura sa batas ngunit may kalayaang mapikon, mabastos, at magalit sa anumang produktong kultural o gawang sining. Mahalaga ring banggitin kung papaanong mas mapanganib ito para sa sining at kultura—mas madaling maghanda sa sensura kung alam ng mga artista at manlilikha kung ano ang pagmumulan nito. Sa espasyong kunwa’y walang sensura, ngunit nagagawa ito ng kahit na sino, base sa kung anu-anong dahilan, kontra sa kahit na sinong artista o tagapaglikha, walang sapat na paghahandang magagawa ang sektor ng kultura sa sensura.
Kinikilala ng PEN America Artists At Risk Connection ang mga komplikadong aspekto ng sensura, at nakikita ito bilang sandata ng mga tauhan ng Estado at di-estado, mula sa pribado’t pampublikong samahan at organisasyon, sa iba’t ibang paraan at espasyo kabilang na ang digital.
Sa Pilipinas, narito ang kompleksidad ng sensura: bagamat dumarami ang pagkakataon kung kailan at paano ito nangyayari, madalas naman itong itinatanggi ng mga gumagawa nito, mula man sa Estado o hindi. Hindi kagulat-gulat, halimbawa, kung ang isang sanaysay na katulad nito, na isang pahapyaw na tanaw sa iba’t ibang pagkakataon ng kontemporanyong pagsesensura sa sining at kultura, ay makatatanggap ng mga pang-uusig—mas gugustuhin nating ipagkompara ang mga pinsala ng sensura kung saan ang isang “uri” ay mas masahol sa iba, kaysa tingnan kung papaanong nagkakaroon ng manipestasyon ang sensura sa iba’t-ibang paraan.
Gayuman, narito ang maikling pagtanaw sa iba’t-ibang pagkakataong ginamit ang sensura kontra sining, at kung papaanong nagmula ito ng mga di-inaasahang salarin.
Dalawang pangulo—isang debotong Katoliko, isang anti-Katoliko—ang tumangging gawaran ng Gawad Pambansang Alagad ng Sining ang isang kilalang aktres na pinili ng kanyang sektor. Ang basehan ng kanilang pagtanggi: hindi huwaran ang aktres dahil sa mga nakalipas na mga kaso ng droga sa kanyang pampublikong rekord.¹²
Ang pagkondena ng isang militanteng peministang organisasyon sa reality-dating segment ng isang noontime show. Nakapokus ang segment sa paghahanap ng pag-ibig ng isang babaeng nasa wastong edad na at pumayag sa prosesong ito. Tinukoy ng organisasyon ang segment na ito bilang isang uri ng eksploytasyon ng kababaihan.¹³
Pinagbintangan ang isang international pop icon na magko-konsiyerto sa Maynila na “simbolo ng lahat ng kasamaan at mala-demonyo.”¹⁴ Nag-protesta ang mga konserbatibo-Katoliko kontra sa pagtatanghal.
Ilang musikero ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa isang online mob—ang walang-ngalang kolektibo ng mga indibidwal na pinakamaingay online—na siyang nananaig sa mga kaso ng “cancellation.” Isang paraan ng pagpapatahimik sa mga tinutukoy na “salarin” ng anumang “kasalanan” na dumaraan sa panghuhusga sa social media.¹⁵
Ilang eksibisyon ang na-cancel rin online. Ang isa, base sa larawang pang-PR na itinuring na “poverty porn.”¹⁶ Ang isa, tinukoy bilang eksibisyong bumubuo ng di-mapagpalayang espasyo para sa komunidad ng LGBTQIA+.¹⁷ Ang isang pahayag kontra sa huling eksibisyon ay tila katunog rin ng pangmamaliit ng Estado sa kakayahan ng publikong umunawa ng sining: “Ang satire na hindi nauunawaan ng masa ay sandata ng manunupil.”
Isang art installation ang itinuring na blaspemiya at ipinatanggal ng Cultural Center of the Philippines, kasama na ang eksibisyong kinabilangan nito. Ito ay matapos itong bansagan ng midya bilang kontra-Simbahan, at maharap s galit ng mga relihiyosong grupo.¹⁸
Isang performance artist ang pumasok ng simbahan. May dala-dala siyang plakard na kumukondena sa paninindigan ng Simbahan laban sa reproductive health bill at pakikisangkot sa mga usaping pang-gobyerno. Kakasuhan siya ng simbahan “for offending religious feelings.”¹⁹
Isang komikero ang napilitang magbitiw sa trabaho sa isang diyaryo matapos niyang talakayin ang lesbiyanismo sa isang ekslusibong Katolikong paaralan para sa mga kababaihan.²⁰
Labintatlong organisasyong pangkarapatang pantao ang nagsulong na mapatanggal ang isang series tungkol sa Duterte drug war sa platform na Netflix, bago pa man ito maipalabas at mapanood ng madla.²¹
Karamihan sa mga nabanggit na kaso ay nagpapakita ng patuloy na normalisasyon ng mga konserbatibong paniniwala at idelohiya bilang rason para supilin ang paglikha. Pinakikita rin nito kung papaanong pinangungunahan ito ng Estado at lalo’t higit, ng mga tao at grupo na maituturing na di-estado o bahagi ng civil society.
Malinaw naman kung papaanong umuusbong ang ilang kaso sa pangangailangang kagyat na tugunan ang sistemikong di-pagkakapantay ng uri o kasarian—isang bagay na dapat lamang siyasatin. Gayunman, ang pangunguna ng galit sa mga nakaraang kaso ay nauuwi lamang sa “kanselasyon” ng mga manlilikha o pagtatanggal ng mga likhang sining, isang bagay na tumatapos sa talakayan imbes na paabutin ito sa usapin ng pananagutan at produktibong diskurso.
Mahalagang mapalalim ang diskusyon kaugnay ng ginagamit na tinig, tono, at wika sa pagtalakay ng mga itinuturing na “nakakabastos, nakakasakit, o nakakagalit” na mga likha at kilos. Higit na pananaliksik ang kailangan, ngunit ipinapakita ng mga nakaraang kaso ng sensura kung papaanong ginagamit rin ng mga sensurang di-Estado ang mga pamamaraan ng Estado sa panunupil ng sining. Ang mga panawagan sa pagpapatanggal ng likha, ang online cancellation, ang boycott, at pagbawi ng lathala, ay hindi kaiba sa gawain ng Estado kontra sining at kultura na itinuturing nitong delikado o hindi karapat-dapat ipapanood sa madla. Sa huli, nagiging madali gamitin ang pinakamalakas na kolektibong boses sa pagsensura sa mga likha, kahit pa ang basehan lamang nito ay pagkayamot o galit. Ang paggamit ng katwiran na ito ay para umano sa “kabutihan o kaligtasan ng lahat” ay mahalaga ring banggitin—ito rin ang sinasambit ng mga diktador at pasista.
Inilalayo rin tayo ng ganitong predisposisyon sa higit na mahirap na gawain—ang pagtuusin ang mga bagay-bagay sa larangan ng pagkamalikhain: pelikula sa pelikula, aklat sa aklat. Ang suportahan ang masining na pagpapahayag, anuman ang pagkukulang, sa pamamagitan ng paghamon sa mga likhang hindi natin sinasang-ayunan, at sa pagbuo ng mga bagong diskurso, pangontrang likha, pangontrang salaysay, sa halip na ipatanggal o ipagbawal ang mga likhang hindi natin sinasang-ayunan, o patahimikin ang mga manlilikhha.
Noong 2012, sa harap ng malalaking protesta mula sa mga Katolikong grupo laban sa kanyang konsiyerto, isinigaw ni Lady Gaga sa mikropono: “Hindi ako hawak ng inyong pamahalaan, Manila!” Matapos nito ay inawit niya ang kantang “Judas”—isang awiting paksa ng protesta laban sa kanya.
Mabuting pag-isipan kung ilan sa atin ang hawak ng konserbatismo, sa iba’t-ibang anyo nito, at kung papaanong ginagamit natin ito kontra-sining at kultura. Higit, mahalagang tanungin: tayo ba ang mga nilalang na nais nating labanan?
1Liham ng Panuto Blg. 1, s. 1972. Nilagdaan ni Ferdinand Marcos noong Setyembre 22. Orihinal na matatagpuan sa opisyal na website ng pamahalaan ng Pilipinas na ngayo’y wala na. Nakuha mula sa Web Archive. https://web.archive.org/web/20161013150457/http://www.gov.ph/1972/09/22/letter-of-instruction-no-1-s-1972/
2Atas ng Pangulo Blg. 33, s.1971. Nilagdaan ni Ferdinand Marcos noong Oktubre 28, 1972. Orihinal na matatagpuan sa opisyal na website ng pamahalaan ng Pilipinas na ngayo’y wala na. Nakuha mula sa Web Archive. https://web.archive.org/web/20161012083750/http://www.gov.ph/1972/10/28/presidential-decree-no-33-s-1972/
³“PHILIPPINE CONTRADICTIONS : Innocence Versus Independence in a Land of Film Censorship”
Ni John M. Wilson. Enero 5 1986. Los Angeles Times Archives. https://www.latimes.com/archives/la-xpm-1986-01-05-ca-24399-story.html
4Ang kasaysayan ng pagbuo at mga pagbabago sa polisiya nito ay nasa opisyal na site. https://midas.mtrcb.gov.ph/site/#!/pd1986
5Mula kay Rachel Arenas, tagapangulo ng MTRCB, 2021 https://www.philstar.com/headlines/2020/09/05/2040193/mtrcb-hit-over-plan-regulate-netflix
6Tinalakay ito ni Ishmael Bernal, Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula, sa kanyang memoir: “Noong 1986, nahalal sa puwesto si Cory. Nadismaya kami na sa simula pa lang ng Administrasyong Aquino, ang unang pahayag na inilabas ng palasyo ay huli sa mga pagtutuunan ng pansin ang kultura.” Kabilang si Bernal sa mga nanguna sa protesta laban sa sensura sa pelikula sa panahon ni Cory. (229, Pro Bernal Anti Bio) Ang sipi ay mula sa piyesa ni Jaime Salazar noong Disyembre 2011 sa National Comission for Culture and the Arts sa propinoy.net.
7Sipi mula kay Manoling Morato, Punong Sensura ni Cory Aquino, 1986-1992, sa “Schindler’s List’ Fuss In Philippines—Censors Object To Sex, Not The Nazi Horrors” ni William Branigin. Marso 9 1994. Washington Post. https://www.washingtonpost.com/archive/lifestyle/1994/03/08/manila-in-agony-over-schindlers-ecstasy/5fe01ab8-f116-42ea-ad8d-15f44f83b9e5/
8Noong Disyembre 2018, binuo ni Duterte ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Maituturing itong kabuoan ng lahat ng mga kontra-Kaliwang saloobin ni Duterte, mga pang-aatake ng mga aktibista, at ng isang militarisadong pamahalaan.— https://www.pna.gov.ph/articles/1157417
9Noong Oktubre 2018, sa isang panayam, iginiit ni BGen, Antonio Parlade Jr., Assistan Deputy Chief of Staff ng Operations of the Armed Forces of the Philippines (AFP), na ang pagpapalabas ng mga pelikulang tungkol sa Batas Militar sa mga paaralan ay isang estratehiya sa pangangalap ng Communist Party of the Philippines. Kinalaunan, pamumunuan ni Parlade ang NTF-ELCAC.— https://www.cnnphilippines.com/news/2018/10/03/Red-October-AFP-schools.html
10Noong 2021, ilang lokal na kolehiyo’t unibersidad ang unti-unting nagtanggal ng mga tinatawag na “subersibong aklat” mula sa kanilang mga silid-aklatan, na kanila ring ipinaubaya sa mga lokal na tanggapan ng National Intelligence Coordinating Agency. Ang mga aklat na ito ay isinulat ng mga taong may kaugnayan sa o miyembro ng National Democratic Front (NDF) ng Communist Party of the Philippines (CPP). Iginiit ng mga pinuno ng mga paaralan na ito ay paraan ng pagpapakita ng kanilang suporta sa anti-insurgency project ng pamahalaan. Ikinatuwa ito ng NTF-ELCAC sa paniniwalang ang pagtatanggal ng mga librong ito mula sa mga silid-aklatan ang “makapagliligtas sa kabataan.”— https://newsinfo.inquirer.net/1491609/another-university-removes-ndfp-books-from-library
11Noong 2019, pinangalanang persona non grata ng Lungsod ng Maynila ang artist group na Panday Sining para sa ginawa nitong sining pampubliko sa mga kalsada ng Maynila. Matapos ang deklarasyong ito, tatlong artista ang naaresto sa kalagitnaan ng pagpoprotesta.—https://newsinfo.inquirer.net/1196747/4-panday-sining-members-nabbed-for-vandalism
12Noong 2014, at muli noong 2018, dalawang Pangulo ang tumangging iparangal kay Nora Aunor, aktres at icon, ang Gawad Pambansang Alagad ng Sining: ang Katolikong deboto na si Benigno Aquino III at ang anti-Katolikong si Rodrigo Duterte. Ayon kay Aquino, bagamat karapat-dapat makatanggap ng parangal si Aunor, ang pagtanggi sa kanya ay tungkol sa kaso ng droga na matagal nang lumipas: “Ang mensahe dito ay masama ang droga, uulit-ulitin ko ito. Kung gagawin ko siyang pambansang alagad ng sining, paano siya kikilos bilang isang huwaran?” Di kagulat-gulat na sinundan ni Duterte, na nagsimula rin ng kanyang kampanya laban sa droga, ang mga yapak ni Aquino sa desisyong ito. Nagbigay ng pahayag ang kanyang tagapagsalita na para umano ito sa ikabubuti ni Aunor, pagkat marami sa publiko ang aangal kung iginawad sa kanya ang parangal.
13Noong 2012, araw-araw na ipinalabas sa telebisyon ang paghahanap ng pag-ibig ni Angelica Yap sa pantanghaling palabas na It’s Showtime bilang bahagi ng isang reality-dating-game contest. Sumulat ang peminista-maka-Kaliwang grupo na Gabriela sa MTRCB, nagsabing mapanggamit ang bahaging ito ng palabas, at nanghingi ng permisong magsagawa ng imbestigasyon. Sa pag-angal ni Yap, ng kanyang ina, at ng palabas laban sa Gabriela, kanilang ipinunto na si Yap ay babaeng nasa wastong edad at may pahintulot niya ang pakikibahagi rito.
14Noong 2012, nakatakdang magkaroon ng dalawang-gabing konsiyerto sa Maynila ang pop icon na si Lady Gaga. Ilang grupong Katoliko ang nagprotesta laban sa kanya dahil masama ang impluwensiyang dala ng kanyang mga “mapanlapastangang” kanta sa kabataan, gayundin ang kanyang pagiging “simbolo ng lahat ng tiwali at mala-demonyo.” Binantaan ng isang lokal na pulitiko si Lady Gaga at ang mga organisador ng konsiyerto na maaari silang “parusahan sa pagwawalang-bahala sa lahi at relihiyon.”
15Noong Nobyembre 2017, isang Twitter mob ang nabuo kaugnay ng mga bintang na ilang banda at lalaking musikero ang nananamantala ng mga babaeng tagahangang nagpupunta sa kanilang mga gig. Iba-iba ang mga naging bintang, mula pagiging “masyadong maharot” hanggang sa “masyadong mahipo,” hanggang sa pagpapaasa, hanggang sa tunay na bintang ng panliligalig at abusong seksuwal. Nakansela ang mga banda sa Twitter, dinala ng mainstream media ang mga kuwento, at nawalan hindi lang ng mga gig ang mga musikero, kundi pati na rin ng mga trabaho.
16Noong Marso 2021, nakatanggap ng mga batikos ng publiko ang inilabas na larawang pangpromosyon ng “Kundiman,” ang bagong art exhibit ni Solenn Husaff, isang celebrity at visual artist. Ipinakita sa litrato ang artistang nakaupo sa silya, sa kanyang likuran ang kanyang mga pinta, habang sa ilalim naman ang basahan na bahagi ng eksibisyon. Backdrop ng buong litrato ang isang mahirap na eryang urban sa Maynila. Hinusgahan ng online mob ang buong litrato bilang “poverty porn,” at inisip na ganoon rin ang kanyang sining. Si Solenn at ang kanyang eksibit ay nakansela sa social media.
17Noong Hulyo 2021, umani ng puna ang eksibit na “Itaga Mo Sa Bato” ng visual artist na si Chalk Zaldivar. Isang eksibit ng iba’t ibang puntod na may magkakaibang pahayag na naglalayong pagkatuwaan ang “elitismo, banidad, at kulturang social media,” umangal ang ilang organisasyong LGBTQIA+ sa ibang pahayag na natuklasan nilang higit na nagdadala ng panganib sa kanilang komunidad, bilang “ang pang-uuyam na di-nauunawaan ng masa ay sandata ng manunupil.”
18Noong 2010, ang instalasyong “Poleteismo” ni Mideo Cruz ay bahagi ng panggrupong eksibit na “Kulo” sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Isang palabas pangsiyasat sa ABS-CBN ang gumawa ng ulat tungkol sa instalasyon, at itinampok ito bilang isang instalasyong kontra-Simbahan, sang-ayon sa Reproductive Health Law. Naging sapat ang publikong reklamo ng mga grupong Katoliko, mga konserbatibo, at maging ni Imelda Marcos para ipatigil ng CCP hindi lamang ang instalasyon, kundi ang buong eksibisyon, dahil “may mga aberya ito sa seguridad.”
19Noong 2010, ginawa ni Carlos Celdran ang kanyang protesta sa Manila Cathedral sa gitna ng misang Katoliko at kaparian. Noong 2013, kinasuhan siya ng “paglapastangan ng mga damdaming relihiyoso.” Noong 2018, hinatulan siyang nagkasala sa paglabag sa Artikulo 133 ng Revised Penal Code na nagsasabing ang pakikibilang sa “mga gawaing lumalapastangan sa mga damdamin ng nananampalataya” sa mga lugar ng pagsamba o relihiyosong seremonya “ay maaaring mauwi sa pagkakakulong.”
20Noong 2013, may inilathalang komiks ang komikerong si Pol Medina Jr. sa kanyang regular na espasyo sa Philippine Daily Inquirer (PDI), na bumanggit sa isang partikular na ekslusibong Katolikong paaralan para sa mga babae na karaniwan ang mga relasyong lesbiyana sa mga mag-aaral nito, at kanya ring biniro na posibleng pati ang mga madre ng paaralan ay lesbiyana. Tulad ng inaasahan, humingi ng paliwanag ang paaralan ukol sa paglalathala ng komiks, ngunit naging mas malakas ang ingay ng publiko tungkol sa pagtanggap o hindi pagtanggap sa mga relasyong lesbiyana, sa loob at labas ng paaralan. Umamin ang PDI sa pagkakamaling mailathala ang komiks na hindi nakalagpas noong nakaraang taon dahil mismo sa sensitibong nilalaman nito. Nagbitiw si Medina sa diyaryong 25 taon nang naglalathala ng kanyang mga komiks.
21Noong 2018, humarap sa mga panawagan ng pagpapatanggal ang ibinalitang Netflix premiere ng Amo, isang serye ni Brillante Mendoza na itinatanghal bilang seryeng nagpapakita ng kahalagahan ng kampanya laban sa droga ni Duterte. Sa kanilang pagsasalita para sa mga naging biktima ng kampanya ni Duterte laban sa droga, hiniling sa Netflix ng labintatlong organisasyong pangkarapatang pantao na ikansela ang palabas dahil naglalayon umano itong “bigyang-katwiran ang mga pagpatay.” Humingi rin sila ng pananagutan <mula sa Netflix> sa pakikisabwat nito sa pagpapalaganap ng propaganda ni Duterte.
This content is produced as part of a project to research and document arts and culture censorship in Southeast Asia, organised by ArtsEquator. To read more about freedom of artistic expression in SEA, go here. This article was translated from the original, in English, into Tagalog by Maria Rilkë Arguelles, a poet and translator from The Philippines.
About the author(s)
Katrina Stuart Santiago is an essayist, cultural critic, opinion writer, and book author from Manila, with a decade of work in print and online. Her role as critic has fueled her activism, which cuts across issues of cultural labor, systemic dysfunctions, and institutional crises. She is a teacher at the College of Saint Benilde’s School of Arts, Culture, and Performance, book maker at small press Everything's Fine, and is a contributor to the International Association of Theater Critics’s online platform, Critical Stages. She founded People for Accountable Governance and Sustainable Action-PAGASAph that seeks to provide the space for political action from younger civil society actors. She is part of the 2021 cohort of the Feminist Journalist Project of the Association of Women's Rights in Development, is a 2023 Public Intellectual of the Democracy Discourse Series of the De La Salle University, and is co-author of UNESCO-Germany’s Fair Culture Charter. She has been writing at radikalchick.com since 2008 and is @radikalchick online